Share this information:

ARESTADO ang nasa 250 katao, kabilang dito ang operator, empleyado at mananaya ng online illegal sabong sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Ayon kay Atty. Emeterio Dongallo Jr., pinuno ng  NBI-Special Project Team, isinagawa nila ang pagsalakay nitong Lunes ng hapon sa Mavin’s Events Center sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Napag-alaman na nagreklamo ang lehitimong operator ng e-sabong sa bansa  kaya isinagawa ang pagsalakay.

“Ang modus nitong illegal na e-sabong operator, pareho lang nung legal. Meron silang pasabong, tapos nila-live stream nila then bettors will bet online. Ang problema lang hindi sila nagbabayad ng franchise,” ani Dongallo.

Libu-libong cash na ginamit sa pagtaya, mga production equipment tulad ng mga camera at computer na gamit naman sa live streaming ng sabong, at mga manok na panabong ang nakumpiska sa operasyon.

Ayon kay Dongallo, illegal gambling sa ilalim ng PD 1602 na nauugnay sa Cybercrime Prevention Act ang maaaring ikaso sa mga naaresto dahil ito ay ginagawa online.

Aminado naman ang NBI na malaki ang nalulugi sa pamahalaan dahil sa operasyon ng naturang ilegal na online sabong.

 “Malaki po, magkano ba ang franchise fee ng mga legitimate na mga e-sabong operators di ba? Tapos yung monthly pa na tax o buwis na dapat sana pang ayuda natin sa Covid sa approach ng gobyerno. Gastos sa mga bakuna, facemask, pang sweldo ng mga health workers,” ayon pa sa opisyal.

Wala namang naiprisintang dokumento ang naarestong operator na nagpapatunay na legal ang nasabing online sabong nang ikasa ang raid.

Inaalam na ng NBI ang posibleng nasa likod ng naturang ilegal na operasyon.


Hindi lang pang-Manila, pang-probinsiya din pala ang online sabong
Source: Bullet News Viral