
INIULAT ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang COVID-19 outbreak sa isang seminaryo na kung saan ay halos kalahati ng populasyon nito ay apektado ng SARS-CoV-2 virus.
Dalawampu’t-lima sa 59 na indibidwal sa Christ the King Mission Seminary ang nagpositibo sa COVID 19, na kinabibilangan ng siyam na pari at labing anim na empleyado, ayon kay Dr. Rolando Cruz, hepe ng Epidemiology and Disease Surveillance Unit ng lungsod.
Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga pari ay pumanaw na dahil sa COVID 19, samantalang nitong Sabado ay may labing-isa na ang gumaling at may labing tatlong aktibong kaso pa rin sa nasabing lugar.
Ayon kay Cruz, ang Villa Cristo Rey at gusali ng Fininman sa seminaryo ay sumailalim sa Special Concern Lockdown simula noong ika-18 ng Setyembre.
Magpapadala ng mga kailangang gamot, bitamina, food packs at iba pang kailangang gamit ang gobyerno upang matulungan ang seminaryo.
Batay naman sa datos ng lokal na pamahalaan, nitong ika-19 ng Setyembre ay mayroon nang 154,314 COVID-19 kaso sa lungsod. Sa nasabing bilang, 1,393 ang namatay at 140,286 na ang gumaling, na kung saan ay mayroong 12,635 ang kasalukuyang may sakit.
(PHOTO CREDIT: pna.gov.ph)
Seminaryo sa Quezon City, may COVID-19 outbreak
Source: Bullet News Viral
0 Comments