
TINATAYANG aabot sa P7.5 milyon na halaga ng shabu ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) Port of NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa bodega ng isang kilalang kumpanya ng courier services.
Ayon sa BOC, nadiskubre ang apat na “air parcel” na naglalaman ng white crystalline substance o shabu na umaabot sa 1.1 kilo ang bigat. Dumaan naman sa 100-percent physical examination ang dalawang air parcel matapos ang x-ray scanning kung saan natuklasan ang kahina-hinalang bagay.
Kinumpirma naman ito ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) at PDEA laboratory chemical analysis .
Ang nasabing cargo ay galing sa Malaysia batay sa importation documents na idineklarang “cloths, slipper” at “food chips.”
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga nasabat na shabu para sa posibleng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002 (Republic Act No. 9165) na may kaugnayan sa Section 119 (Restricted Importation) at Section 1401 (Unlawful Importation) ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
(PHOTO CREDIT: Bureau of Customs)
Halagang P7.5 milyon ng shabu, nasabat ng BOC
Source: Bullet News Viral
0 Comments