
Ipinagharap ng reklamong “conspiracy to commit sedition” sa Office of the Ombudsman ng mga empleyado ng Pharmally Pharmaceutical si Senador Risa Hontiveros at mga tauhan nito.
May kinalaman ang reklamo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa sinasabing anomalya sa pagbili ng overpriced na medical supplies ng Pharmally.
Kasama ang abogado ng Pharmally na si Atty. Ferdinand Topacio, inihain nina Jaime Vegas at Veejay Almira ang kanilang mga reklamo laban kay Hontiveros gayundin kina Atty. Jaye Bekema at Ryan Lazo.
Sa sinumpaang salaysay, sinabi ni Almira na sa atas ni Hontiveros ay inutusan siya ni Atty. Bekema na sabihin na expired na ang face shields ng Pharmally. Inakala umano niyang lehitimo ang tulong sa kanya ng senadora dahil tatlong beses siyang pinadalhan ng pera ngunit hindi nito inakalang gagawin siyang testigo laban sa gobyerno.
Sinuportahan naman ni Vegas ang salaysay ni Almira at sinabing nakita nito sa zoom na nag-uusap sina Almira, Bekema at ang senadora. Pinilit umano ng dalawa si Almira na pumirma ng affidavit at kapag hindi ito ginawa ay hindi niya makukuha ang pera na nagkakahalaga ng P20,000.
Dawit naman ang drayber na si Lazo dahil kasama itong nanuhol umano kay Almira.
Naniniwala si Topacio na minamanipula nina Hontiveros ang Senate Blue Ribbon sa pamamagitan ng pag-bully sa mga testigo para pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang iginiit ni Hontiveros na walang nangyaring “witness tampering” at “witness bribery” sa pagdinig at nililihis lang ng mga taga-Pharmally ang usapin.
Handa rin umano ang senadora na harapin at sagutin ang tinawag niyang “laughable” o nakakatawa at walang kwentang reklamong “sedition” na isinampa laban sa kanya sa Ombudsman. Sinabi pa ni Hontiveros na pinag-aaralan na rin ng kanilang kampo ang posibleng hakbang kaugnay ng reklamong isinampa laban sa kanya at ilang mga empleyado nito.
Sen. Risa Hontiveros, inireklamo sa Ombudsman
Source: Bullet News Viral
0 Comments