ITUTULOY na ng Department of Education (DepEd) ang ikinasa nitong limitadong face-to-face classes sa Nobyembre 15 makaraang makumpleto na ang listahan ng 100 eskuwelahan na lalahok sa pilot implementation.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, 10 sa mga paaralan ay nasa Ilocos; 10 sa Central Luzon; 5 sa Calabarzon; 9 sa Bicol Region; 3 sa Western Visayas; 8 sa Central Visayas; at 10 sa Eastern Visayas.
Mayruon din aniyang walong eskuwelahan mula sa Zamboanga; 10 sa Northern Mindanao; 8 sa Davao; 5 sa SOCCSKSARGEN at 14 sa CARAGA.
“Sa wakas, ipagpapatuloy na natin ang ating limited face-to-face,” pahayag ni Briones.
Nabatid kay Briones na pinayagan na ng local government units (LGUs) at mga magulang ang mga estudyanteng lalahok sa face-to-face classes bukod pa sa pumasa rin ang mga eskuwelahan sa ebalwasyon ng DepEd at Department of Health patungkol sa pagtitiyak ng kaligtasan laban sa hawaan ng COVID-19.
Tinukoy din ng kalihim na 90-porsyento ng mga kawani ng eskuwelahan na kalahok sa face-to-face classes ay bakunado na kahit ng unang dose. Sinabi ni Briones na kung magiging maganda ang resulta ng face-to-face classes ay maaaring magdagdag pa sila ng mga eskuwelahang magbubukas na sa mga estudyante.
Pilot run ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15, tuloy na
Source: Bullet News Viral
0 Comments