Share this information:

HINDI pupwede o hindi pinapayagan ang mga menor de edad na pumunta sa Manila Baywalk Dolomite Beach ayon sa Malakanyang.

Ang pahayag ay kasunod ng muli na namang pagdagsa ng mga tao sa naturang pasyalan nitong weekend, kung saan maraming mga bata rin ang bumisita.

Sa kanyang press briefing, muling iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang mga bata kung lalabas man ay para lamang sa “essential purposes.”

Ibig sabihin, hindi uubrang pumasyal ang mga bata sa dolomite beach, na taliwas sa sinabi ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.

Giit pa ni Roque, huwag sanang magpabaya ang publiko dahil naririyan pa rin ang banta ng COVID-19, kahit pa nasa Alert Level 3 na ang Metro Manila.

Panawagan naman ni Roque sa Manila Police District (MPD) na ipatupad ang health protocols lalo na ang social distancing sa dolomite beach.

Bagama’t para sa “enjoyment” o kasiyahan ng mga tao ang nabanggit na pasyalan sa Manila Baywalk, huwag sanang maging dahilan ito ng pagiging super spreader event o pagkalat ng COVID-19.


Mga menor de edad, bawal sa dolomite beach – Palasyo
Source: Bullet News Viral