
IPINAG-UTOS ni Navotas City police chief P/Col. Dexter Ollaging ang masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng isang 34-anyos na lalaki dahil umano sa isang labor accident makaraang maiulat sa pulisya mahigit 24-oras matapos ang insidente.
Nabigong maproseso ng rumespondeng homicide investigators at mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang lugar kung saan naganap ang nasabing labor accident na nagresulta sa pagkamatay ni Marjun Rafael, rigger sa container yard at residente ng Blk. 20, Lot 100, Dalagang Bukid St. Brgy. Longos, matapos nilang madiskubre na ang crime scene ay contaminated na.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Navotas police homicide investigators P/SSgt. Levi Salazar at P/Cpl. Reysie PeƱaranda, naganap ang insidente dakong 1:45 ng madaling araw noong Oktubre 17, 2021 sa loob ng Sea Box Container Yard, B-1 Area, Tower B, na matatagpuan sa H. Lopez Blvd. Brgy. NBBS Proper.
Kasama ni Rafael ang tower crane operator na si Joseph Nudo, 48 anyos, at nakakatandang kapatid ng biktima na si Marlon, 40 anyos, sa paglilipat ng 40-footer reaper container nang isa sa angle support hooks ng container ay aksidenteng bumaba at tumama sa ulo ng biktima.
Isinugod ng mga tauhan ng Container Yard ang biktima sa Tondo Medical Center sa tulong ng Navotas Action Command Center subalit, idineklara itong dead on arrival.
Sinabi ni Col. Ollaging na patuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang resulta ng autopsy examination upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Lalaki, patay sa aksidente sa trabaho sa Navotas
Source: Bullet News Viral
0 Comments