Share this information:

IPINAHAYAG ng Department of the Interior and Local Government (DILG), pati na ang mga alkalde, ang kanilang kahandaan para sa posibleng implementasyon ng Alert Level 2 sa National Capital Region (NCR) sa Nobyembre.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DILG Usec. at Spokesperson Jonathan Malaya na handang-handa na ang DILG, maging ang mga alkalde ng Metro Manila, kung pag-uusapan ang pagpapababa ng Alert Level sa NCR,mula sa kasalukuyang Alert Level 3.

Sinabi ni Malaya na alam na ng mga alkalde ang “additional capacity” o pagdadagdag ng kapasidad sa mga establisimyento at kahalintulad na pinapayagang magkapag-bukas sa ilalim ng naturang sistema.

Dagdag pa ni Malaya, maganda na ang ipinapakitang pagbaba sa mga kaso ng COVID-19 sa NCR sa nakalipas na dalawang linggo, na sinabayan pa ng mas pinabilis ng bakunahan kontra COVID-19.

Sinabi ng opisyal na sa kombinasyon ng pinalakas na COVID-19 vaccination, pagbaba sa COVID-19 cases at dagdag na deployment ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan, nakatitiyak sila na magiging matagumpay ang pagpapairal sakaling maibaba na sa Alert Level 2 ang NCR.


DILG, nakahanda na sa posibleng implementasyon ng Alert Level 2 sa NCR sa Nobyembre
Source: Bullet News Viral