Share this information:

ISANG “complete, sustainable community” at kauna-unahang housing project para sa mga magsasaka ang itatayo sa bayan ng Abucay, Bataan.

Ayon kay former Bataan Board Member Dexter “Teri Onor” Dominguez, ang pangunahing tumugon sa proyektong ito ng Department of Agrarian Reform (DAR) ay sina Abucay Mayor Liberato “Pambato” Santiago Jr. at ang kanyang maybahay, Ana Dominguez-Santiago, na kaagad nagpahayag ng pagnanais na magdonate ng 2.5 ektaryang lupain mula sa kanilang personal na ari-arian o properties.

“Ang BALAI Farmers Housing Program ay isang malaking pagpapala po para sa bayan ng Abucay. Nagkaroon ng katuparan ang proyektong ito dahil sa donasyong lupa ng aking lolo at lola na sina Mayor Pambato  at Mayora Ana, sa pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan kay Municipal Administrator Engr. Estoy Vergara, sa inisyatibo at pagsusumikap po ng inyong lingkod at LOVE TERI Foundation,” pahayag ni Bokal Teri.

Ang nasabing proyekto, ayon kay Bokal Teri, ay libreng pabahay para sa mga magsasaka na miyembro ng Agrarian Reform Beneficiaries Organization (ARBO) kung saan sila ang pangunahing makikinabang at may pagkakataon ding kumita mula sa dagdag na programang pangkabuhayan.

Ang bawat bahay ay mayroong solar panels bilang source ng elektrisidad, at ang pangangalaga sa kapaligiran ay malaking bahagi sa proyektong ito sa presensya ng tinatawag na green community gamit ang teknolohiya sa pagmamanage ng mga basura, paglikha ng potable water gamit ang community bio digester, modernong paghahalaman gamit ang hydroponics, at pagkakaroon ng backyard at communal gardens.


Pabahay sa mga magsasaka, itatayo sa Abucay, Bataan
Source: Bullet News Viral