Share this information:

TINATAYANG nasa halos P.7 milyon na halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., ang naarestong mga suspek na sina Manuela Martizano alyas “Elay,” 18 anyos, at Josephine Bucat, 43 anyos, kapwa ng Brgy. 176, Bagong Silang.

Sa report ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Hidalgo, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activity ng mga suspek kaya’t isinailalim sila sa isang linggong validation.

Nang makumpirma ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ang buy-bust operation sa Camaro St., Brgy. 175 dakong ala-una ng madaling araw kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P60,000 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked/boodle money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinakip ng mga operatiba.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 100 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P680,000, buy-bust money na isang tunay na P1,000 at 59 pirasong P1,000 boodle money at pouch.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


Dalawang tulak, arestado sa P680k shabu sa Caloocan
Source: Bullet News Viral