Share this information:

TIMBOG ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Romel Villaester, alyas “Omi,” 33 anyos, ng No. 112 Mangustan Road, Brgy. Potrero, Ricmar Ang alyas “Kulit,” 35 anyos, ng Brgy. 120 Caloocan City at Francisco Cal alyas “Ikoy,” 49 anyos ng Sitio 6, Brgy. Catmon.

Sa imbestigasyon ni PSSgt Jerry Basungit, dakong ala-1:30 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa kahabaan ng Banana Road malapit sa kanto ng University Avenue, Brgy. Potrero.

Nagawang makipagtransaksyon ng isang undercover police sa mga suspek ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 15 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P102,000 at buy-bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


Tatlong tulak, timbog sa P102k shabu sa Malabon
Source: Bullet News Viral