Share this information:

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na mayroong magiging mga pagbabago o “revisions” sa Joint Memorandum Circular hinggil sa paggamit ng face shields.

Ayon sa DOH, kasunod ito ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte  na maaari nang hindi magsuot ng face shields sa mga pampublikong lugar, maliban sa tatlong C — close, crowded areas at close contact.

Sinabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire sa press briefing na ang revisions ay kanila nang inihanda at hinihintay na lamang ang  “concurrence” o pagpayag ng walong ahensya ng gobyerno na kasama sa Joint Memorandum Circular, kasama ang DOH.

Gayunman, sinabi ng opisyal na magkakaroon ng “refocus” sa paggamit ng face shields sa mga “high-risk areas” o mga lugar na nasa Alert Level 3, 4 at 5, sa ilalim ng 3 Cs framework.

Dagdag pa ni Vergeire, mayroong rekomendasyon ang mga eksperto kasama ang DOH bukod sa pahayag ng pangulo.

Kabilang dito ang pagsusuot pa rin ng face shields sa indoor activities na may crowd o maraming tao, mayroong posibilidad ng close contact base sa “nature of work” o trabaho, establishments at public transport.

Kailangan din sa indoor at outdoor dining ay dapat nakasuot pa rin ng face shield, maliban kung kakain na; at indoor at outdoor gatherings at crowded settings.

Binigyang-diin pa ng opisyal na kailangan pa ring maipatupad ang pagsusuot ng  face shields sa 3 Cs dahil na rin sa presensya ng variant tulad ng Delta.


Joint circular sa paggamit ng face shields, may mga babaguhin pa — DOH
Source: Bullet News Viral